Natalie Uy bumasag ng national record
ILAGAN CITY, Isabela, Philippines — Sa kanyang unang pagsalang sa Pilipinas ay kaagad sumira ng national record si Fil-American Natalie Uy.
Nagtala ang 24-anyos na si Uy ng 4.12 metro para talunin sina Fil-Am Alyana Nicolas (3.80m) at Riezel Buenaventura (3.40m) para angkinin ang gold medal sa women’s pole vault event ng 2019 Ayala Philippine Athletics Championships kahapon dito sa Isabela Sports Complex.
“It feels great. It feels amazing,” sabi ni Uy sa kanyang pagbasag sa dating 4.11m ni Deborah Samson na nailista noong Marso ng 2008 sa California Regionals sa USA. “I’m glad she (Nicolas) was there for me to have a challenge.”
Malayo ang naturang 4.12m ni Uy sa kanyang personal best na 4.30 meters na itinala niya sa Spain noong nakaraang taon.
Samantala, lumundag si Janry Ubas ng 7.55m para angkinin ang gintong medalya sa men’s long jump at talunin sina Julian Fuentes (7.24m) at Karl Arvyn Aquino (7.23).
“Dapat hindi na talaga ako babalik eh. May mga nag-encourage sa akin na bumalik lalo na host tayo ng athletics championship,” sabi ng 25-anyos na bronze medalist sa 29th Southeast Asian Games noong 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia matapos ang isang motorcycle accident noong Setyembre na nagresulta sa kanyang fractured cheekbone at ilang sugat sa binti at paa.
Ang iba pang nagwagi sa kanilang mga events ay sina Manuel Lasangue Jr. (1.93m) sa men’s high jump, Albert Mantua (46.94m) sa men’s discus throw, Daniella Daynata (40.19m) ng City of Ilagan sa women’s discus throw, Christine Hallasgo (38.39.27) sa women’s 10,000m run, Richard Salano (31:42.31) ng Army sa men’s 10,000m run, Angel Carino (11.60m) ng Ilagan City sa women’s triple jump at Francis Medina (52.36) ng Ilagan City sa men’s 400m hurdles.
- Latest