Todo na’to!
Nationals iiwas Matalo vs Kazakhs
Laro Ngayon(Republican Velodrome Saryarka, Astana)
10:30 p.m. Pilipinas vs Kazakhstan (Manila time)
MANILA, Philippines — Maliban sa mga Kazakhs ay lalabanan din ng Nationals ang -11 degrees Celsius weather sa Astana, ang ikalawang pinakamalamig na kabisera sa buong mundo matapos ang Ulaanbaatar, Mongolia.
Ngunit inaasahang mangingibabaw ang determinasyon ng Team Pilipinas sa kanilang krusyal na rematch ng Kazakhstan ngayong alas-10:30 ng gabi (Manila time) sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Republican Velodrome Saryarka.
“Hindi natin kontrolado ‘yung ibang factors,” pag-amin ni national coach Yeng Guiao. “Wala na tayong magagawa. Wala na tayong pakialam sa ibang teams.”
Noong Huwebes ay dinurog ng Nationals ang mga Qataris, 84-46 na tinampukan ng 17 points, 15 rebounds, 7 assists, 2 steals at 2 blocks ni naturalized center Andray Blatche.
Nauna nang yumukod ang Team Pilipinas sa Kazakhstan, 88-92 sa fifth window ng Asian Qualifiers noong Nobyembre 30 sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyang may 6-5 baraha ang Pilipinas sa Group F sa ilalim ng Australia (10-1), Japan (7-4) at Iran (7-4) kasunod ang mga sibak nang Kazakhstan (4-7) at Qatar (2-9). Nasa Group E naman ang New Zealand (10-1), Korea (9-2), Jordan (6-5), China (6-5), Lebanon (6-5) at Syria (2-9).
Nakakuha na ng tiket para sa 2019 FIBA World Cup ang Australia, New Zealand, Korea at China bilang host country habang ang top three teams sa Groups E at F at ang best 4th-placed team ang uupo sa pinakahuling silya.
Maaaring makamit ng Nationals ang third place sa Group F kung tatalunin ang Kazakhs kasabay ng pagkatalo ng Japanese sa Qataris at panalo ng Iranians sa Aussies.
Sa nasabing senaryo ay magtatapos ang Iran na may second best-record taglay ang 8-4 marka at magtatabla naman ang Pilipinas at Japan sa 7-5.
Subalit hawak ng Nationals ang head-to-head tie breaker advantage matapos walisin ang Japanese sa dalawa nilang pagtutuos.
Bukod sa panalo sa Kazakhstan ay dapat ding ipanalangin ng Pilipinas na matalo ang Jordan laban sa New Zealand at Lebanon kontra sa Korea sa Group E para makasama sa biyahe sa 2019 FIBA World Cup sa Agosto.
- Latest