Pampanga, Cebu City buhay pa ang pag-asa sa q’finals
MANILA, Philippines — Umiskor si Michael Juico ng 29 puntos upang iangat ang Pampanga Lanterns sa 90-85 panalo laban sa Mandaluyong El Tigre habang tinambakan naman ng Cebu City Sharks ang Bulacan Kuyas, 70-54 sa pagpapatuloy ng 2018-2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Sabado ng gabi sa Angeles University gym sa Angeles City.
Bukod sa malaking puntos, umani pa ng pitong rebounds, tatlong assists, tatlong steals at isang block si Juico para buhayin ang pag-asa ng Lanterns na makapasok sa quarterfinal round.
Tumulong din ng 19 puntos at dalawang rebounds si Levi Hernandez habang 16 puntos, 13 rebounds, limang assists, isang steal at dalawang blocks si Juneric Baloria para tumuntong muli sa pang-walong puwesto ang Pampanga sa 9-12 win-loss kartada sa Northern Division.
Dahil sa talo, kailangan walisin ng Mandaluyong at Bulacan ang kanilang huling apat na laro upang buhayin ang tsansang makapasok sa playoff round.
Sa ibang laro, tumipa si Joel Lee Yu ng 18 puntos para umakyat ang Cebu City Sharks sa pang-anim na puwesto sa 11-12 record sa Southern Division.
- Latest