Davao, Valenzuela nagpalakas pa
MANILA, Philippines — Kapwa nagwagi ang Davao Occidental Tigers at Valenzuela Classics sa magkahiwalay na laban para palakasin ang tsansang makapasok sa playoff round ng 2018-2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Martes ng gabi sa Valenzuela Astrodome.
Humataw si Mark Yee ng double-double performance upang iangat ang Davao Occidental Tigers sa 92-82 panalo kontra sa Parañaque Patriots habang nilampaso naman ng Valenzuela Classics ang Pasay Voyagers, 93-80 upang masungkit ang pang-walong panalo sa 21 laro.
Umani ang dating PBA player na si Yee ng 17 puntos at 13 rebounds upang umangat ang Tigers sa 17-4 win-loss kartada at manatili sa solo liderato sa Southern Division.
Dahil sa talo, nalaglag ang Patriots sa pang-11th puwesto sa kanilang 8-13 slate na dahilan para humina ang kanilang tsansa na makapasok pa sa quarterfinal round.
Sa iba pang laro, nagsanib puwersa ang magkapatid na sina Chris de Chavez at Carlo de Chavez ng kabuuang 37 puntos, 12 rebounds at walong assists upang iakyat ang Classics sa pang-sampung puwesto sa 8-13 card.
Ang Pasay Voyagers ay nanatili sa pang-12th place sa 7-15 record.
- Latest