Batang Pier giba sa depensa ng Dyip
MANILA, Philippines — Naniniwala si coach Johnedel Cardel na ang matibay na depensa ang magpapalakas sa kanilang kampanya sa 2019 PBA Philippine Cup.
Bumangon ang Columbian mula sa naunang kabiguan matapos patumbahin ang NorthPort, 110-100 para sa kanilang ikalawang panalo kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nauna nang ginulat ng Dyip ang four-time champions na San Miguel, 124-118 bago yumukod sa nangungunang Phoenix Fuel Masters, 98-108.
Nabigo naman ang Batang Pier na mailista ang ikatlong sunod nilang panalo.
Humakot si rookie Jeepy Faundo ng 15 points at 7 rebounds habang naglatag si guard Rashawn McCarthy ng 14 markers, 12 assists at 6 boards para sa tropa ni Cardel.
Kinuha ng NorthPort ang 55-51 abante sa halftime kung saan humakot si big man Moala Tautuaa ng 20 points, 6 rebounds, 3 steals at 2 assists patungo sa paglilista ng 69-60 bentahe mula sa three-point shot ni star guard Stanley Pringle.
Sa likod naman nina McCarthy, Faundo, Reden Celda, Jackson Corpuz at Eric Camson ay naagaw ng Columbian ang unahan sa 84-77 sa huling 1:02 minuto ng third period.
Tuluyan na itong napalaki ng Dyip sa 14-point lead, 105-91 sa 2:30 minuto ng fourth quarter na hindi na kinayang pababain ng Batang Pier.
Samantala, magtutuos naman ang Barangay Ginebra at Rain or Shine ngayong alas-5 ng hapon sa Calasiao Sports Complex sa Pangasinan.
Pupuntiryahin ng Elasto Painters ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang NLEX Road Warriors, 96-87 habang gusto namang makabangon ng Gin Kings mula sa nalasap na 91-99 kabiguan sa San Miguel Beermen.
- Latest