Lady Altas pinaghahandaan ang do-or-die vs Lady Blazers
MANILA, Philippines — Nakatuon ang University of Perpetual Help System Dalta sa tangkang makabalik sa finals ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament.
Walang puwang ang pahinga para sa Lady Altas na handang bumuo ng solidong plano kung paano mapapabagsak ang Lady Blazers sa rubber match na lalaruin sa Martes sa parehong venue.
Nakahirit ang Perpetual Help ng do-or-die matapos sorpresahin ang top seed College of Saint Benilde sa pamamagitan ng 25-23, 25-21, 20-25, 25-23 desisyon sa semifinals noong Martes sa The Arena sa San Juan City.
Alam ni Perpetual Help Macky Cariño ang laro ng Benilde dahil nahawakan na nito ang karamihan sa mga key players ng Lady Blazers.
Kaya naman mas naging madali ang binalangkas na game plan ni Cariño.
At tuwang-tuwa ito na naisakatuparan ng Lady Altas ang lahat ayon sa plano.
Nais ni Cariño na dalhin ang Perpetual Help sa finals at kung papalarin, sa kampeonato.
“Masaya ako na mag-serve sa Perpetual. Gagawa ako ng history sa babae naman kasi sobrang tagal na rin na wala sa finals ang team. Malay natin pagdating sa finals kami mag-champion, wala namang imposible,” wika ni Cariño.
Nagawa na ito ni Cariño nang tulungan nito ang Benilde na makopo ang kauna-unahang korona sa liga noong Season 91 bago lumipat sa kampo ng Perpetual Help.
Ngunit hindi magiging madali ang daang tatahakin ng Perpetual Help dahil siguradong may matinding pasabog na inihahanda ang Benilde na minamanduhan ng beterano ring mentor na si Jerry Yee.
Una nang nahablot ng nagdedepensang Arellano University ang unang silya sa finals nang gapiin nito ang San Beda University.
- Latest