Lady Blazers abante sa semis
MANILA, Philippines — Nagmartsa sa Final Four ang College of Saint Benilde matapos ilampaso ang San Sebastian College-Recoletos sa pamamagitan ng 25-17, 25-16, 25-14 desisyon kahapon sa NCAA Season 94 women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Nakakuha ng lakas ang Benilde kina Rachel Anne Austero at Klarisa Abriam para manduhan ang attack line ng tropa.
Nagsumite si Austero ng 13 puntos tampok ang 10 attacks habang nagrehistro si Abriam ng siyam na hits at dalawang aces sa larong tumagal lamang ng 57 minuto.
Umangat ang Lady Blazers sa 7-1 rekord para samahan ang nagdedepensang Arellano University (8-0) at last year’s runner-up San Beda University (7-1) sa Final Four.
Bumagsak ang San Sebastian sa 4-4 marka dahilan para maiwan sa No. 4 spot ang University of Perpetual Help System Dalta na may 4-3 baraha.
Tanging tig-walong puntos lamang ang nagawa nina Joyce Sta. Rita at Maryrhose Dapol para sa Lady Stags.
Sa unang laro, namayani ang Lyceum of the Philippines sa Emilio Aguinaldo College, 25-17, 25-16, 27-25 para manatiling buhay ang tsansa nito sa Final Four.
Binuhay ni Rocelyn Hongria ang pag-asa ng Lady Pirates nang magtala ito ng 17 markers habang gumawa sina Bien Elaine Juanillo at skipper Cherilyn Sindayen ng pinagsamang 19 markers.
Sumulong ang Lyceum sa 3-5 kartada ngunit nakasalalay na sa ibang koponan ang magiging kapalaran nitong makapasok sa semis.
Tinapos naman ng Lady Generals ang season bitbit ang 0-9 marka.
Sa men’s division, wagi ang Pirates sa Generals, 21-25, 25-21, 25-20, 16-25, 15-11 sa likod ni Juvic Colonia na naglista ng 24 hits para makuha ng Lyceum ang ikatlong panalo sa walong laro.
Nalaglag naman sa 5-4 ang Emilio Aguinaldo.
- Latest