Blackwater ‘di na ite-trade si Parks
MANILA, Philippines — Kung pagbabasehan ang bagong alok ng Blackwater ay tila wala nang balak ang Elite na dalhin sa ibang koponan si No. 2 overall pick Bobby Ray, Parks Jr.
“Siguro naman hindi na talaga pakakawalan ng Blackwater si Rayray (Parks) since mas malaking kontrata at three years ang offer sa kanya ng team,” sabi ng isang source.
Unang nilatagan ng Elite ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks ng two-year contract na nagkakahalaga ng P5.4 milyon.
Ngunit matapos ang ilang araw ay binago ito ng Blackwater ni team owner Dioceldo Sy sa P10.4 milyon sa loob ng tatlong taon.
Sa kanyang unang taon sa Blackwater ay tatanggap ang 6-foot-3 at 26-anyos na si Parks ng P200,000 kawa buwan kasunod ang P250,000 at P420,000 sa ikalawa at ikatlong taon, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang napabalitang ite-trade ng Elite si Parks sa Meralco Bolts sangkot ang TNT Katropang Texters.
Sinabi ni Sy na wala silang planong i-trade si Parks, ang two-time UAAP Most Valuable Player ng NU Bulldogs.
Sa katunayan ay hindi pinakawalan ng Blackwater sina first round picks Raymar Jose at Mac Belo noong 2017 at 2016 drafts, ayon sa pagkakasunod.
Kung tatanggihan ni Parks ang kanilang bagong alok ay saka pa lamang maghahanap ng opsyon ang Elite, ayon kay head coach Bong Ramos.
Samantala, umaasa ang Blackwater na aaprubahan bukas ng PBA Commissioner’s Office ang kanilang trade proposal kasama ang NLEX at TNT Katropa.
- Latest