Win No. 2 puntirya ng Perpetual at Lyceum sa NCAA women’s volley
MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang University of Perpetual Help System Dalta at Lyceum of the Philippines na makuha ang ikalawang panalo sa kanilang paghaharap ngayong araw sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang Lady Altas at Lady Pirates sa alas-12 ng tanghali kasunod naman ang pagkukrus ng landas ng Jose Rizal University at Mapua University sa alas-2 ng hapon.
Nakatali sa four-way tie sa No. 5 seat ang Perepetual Help, Letran, Lyceum at Jose Rizal tangan ang magkakatulad nilang 1-2 baraha.
Nangunguna naman ang nagdedepensang Arellano University at San Beda University na parehong may 4-0 kartada kasunod ang San Sebastian College-Recoletos at College of Saint Benilde na kapwa may 2-1 rekord.
Galing ang Perpetual Help sa 26-24, 20-25, 13-25, 21-25 kabiguan sa College of Saint Benilde.
Sa naturang laro, tanging si Cindy Imbo lamang ang nakagawa ng double digits tangan ang 14 markers, habang nalimitahan sa siyam si team captain Bianca Tripoli.
Kaya naman inaasahang reresbak ang Lady Altas para mapaganda ang kanilang puwesto sa standings.
Kailangan nina Imbo at Tripoli ng suporta mula kina Jhona Rosal, Shyra Umandal, Jenny Gaviola at playmaker Necelle Gual.
Sa kabilang banda, hangad din ng Lady Pirates na makabalik sa porma.
Lumasap ang Lyceum ng 21-25, 22-25, 16-25 pagyuko sa San Beda sa kanilang huling pagsalang.
Muling sasandalan ng Lyceum sina Bien Elaine Juanillo, Mikaela Wanta at Roselyn Hongria na nagsumite ng pinagsama-samang 19 puntos subalit hindi ito naging sapat para tapatan ang mainit na ratsada ng Lady Red Spikers.
- Latest