Magnolia ihahakbang ang isang paa para sa korona
Laro Ngayon: (Ynares Center, Antipolo City)
6:30 p.m. Magnolia vs Alaska (Finals, Game 3)
MANILA, Philippines — Hindi na naitago ni Alaska coach Alex Compton ang kanyang pagkainis sa ginagawang depensa nina Magnolia guards Mark Barroca at Jio Jalalon.
“If you’re karate chopping, pushing somebody, or you’re leaving your foot so you’ll trip a ball handler, it’s a foul,” reklamo ni Compton sa ginagawa nina Barroca at Jalalon sa kanyang mga playmakers na sina JVee Casio, Chris Banchero at Simon Encico. “And it’s a big part of the game, and for whatever reason, they didn’t want to call it.”
Bitbit ang malaking 2-0 bentahe, pipilitin ng Hotshots na makalapit sa korona sa pagsagupa sa Aces sa Game Three ngayong alas-6:30 ng gabi sa 2018 PBA Governor’s Cup Finals sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tinalo ng Magnolia ang Alaska sa Game One, 100-84, at Game Two, 77-71, para palakasin ang kanilang tsansa sa pagpitas sa ika-14 titulo.
“We’ll stick on playing one game at time, with a mindset that it’s a do-or-die game,” sabi ni Hotshots mentor Chito Victolero, hangad ang kanyang kauna-unahang PBA title bilang head coach, sa kanilang pagharap sa Aces sa best-of-seven championship series.
Sa 43 taon kasaysayan ng liga ay isang koponan lamang ang nagawang makabangon mula sa 0-3 pagkakabaon sa serye at ito ay ang San Miguel na binalikan ang Alaska para sa korona ng 2016 Philippine Cup.
Ayon kay Compton, hindi pa tapos ang laban.
“We're gonna keep going and we're gonna keep growing, and that why it's a series,” sabi ni Compton. “I don't think it's over yet.”
Naniniwala naman si import Mike Harris na kailangan lamang nilang manalo para maibalik ang pamatay na porma ng Aces, pinatalsik ang Meralco Bolts, 3-1, sa kanilang best-of-five semifinals showdown para maiplantsa ang kanilang title showdown ng Hotshots.
Isa pa sa mga naging problema ng Aces sa serye ay ang nagawang 25 turnovers sa Game One at 26 errors sa Game Two.
“That's the prime story of the first two games of the series,” ani Compton. “I just think that we better take care of the basketball.”
- Latest