Lady Chiefs, Lady Red Spikers target ang ikaapat na sunod na panalo
Laro Ngayon: (The Arena, San Juan City)
12 n.n – EAC vs San Beda (Women)
2 p.m. – SSC-R vs Arellano (Women)
MANILA, Philippines — Parehong puntirya ng nagdedepensang Arellano University at San Beda University na masungkit ang ikaapat na sunod na panalo sa pagharap sa magkaibang karibal ngayong araw sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Masusubukan ang tikas ng Arellano laban sa wala pang talong San Sebastian College-Recoletos sa alas-2 ng hapon, habang sasagupain naman ng San Beda ang Emilio Aguinaldo College sa alas-12 ng tanghali.
Mainit ang simula ng Lady Chiefs at Lady Red Spikers na parehong may imakuladang 3-0 baraha para pagsosyohan ang liderato, habang nakabuntot sa ikatlo ang Lady Stags na may malinis ring 2-0 marka.
Galing ang Arellano sa 25-15, 25-12, 25-13 panalo laban sa Mapua University para maikonekta ang kanilang ikatlong dikit na panalo.
Nagpasiklab sa naturang laro si Nicole Ebuen na nagsumite ng 15 points at nagtala naman sina Carla Donato at Regine Arocha ng pinagsamang 19 hits para pamunuan ang ratsada ng Lady Chiefs.
Ngunit daraan sila sa butas ng karayon dahil namamayagpag din ang San Sebastian na pinayuko ang Lyceum of the Philippines, 25-12, 25-21, 17-25, 22-25, 15-9, at Mapua, 25-23, 25-15, 14-25, 25-23, sa kanilang unang dalawang laro.
Aasahan ng Lady Stags sina Nikka Dalisay, Ashtara Sarmiento, Joyce Sta. Rita at Shannai Requirme na siyang gumawa ng importanteng puntos sa kanilang huling pagsalang.
“Lumalabas ‘yung pagiging bata ng mga players dahil mabilis silang ma-distract. Hopefully, mas maganda ang laro namin sa mga susunod naming games especially against Arellano,” pahayag ni San Sebastian head coach Roger Gorayeb.
Sa kabilang banda, nanaig ang San Beda laban sa Lyceum sa mabilis na 25-21, 25-22, 25-16 desisyon.
Sasandigan ng Lady Red Spikers sina Maria Nieza Viray at Cesca Racraquin laban sa Lady Generals na wala pa ring naitatalang panalo sa torneo.
- Latest