Petalcorin knockout kay Alvarado
MANILA, Philippines — Sa ibabaw ng boxing ring ay mas naging agresibo at determinado si Nicaraguan fighter Felix Alvarado kumpara kay Filipino pride Randy Petalcorin.
Kaya naman isang seventh-round knockout victory ang iniskor ni Alvarado laban kay Petalcorin para angkinin ang bakanteng International Boxing Federation light flyweight crown noong Lunes ng gabi sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City.
Tatlong beses pinabagsak ng 29-anyos na si Alvarado (34-2-0, 30 KOs) ang 26-anyos na si Petalcorin (28-3-1, 22 KOs) sa seventh round bago itinigil ni referee Ernest Shariff ang laban sa huling 2:04 minuto nito.
Inilinya ni Alvarado ang kanyang pangalan sa mga Nicaraguan world champions na sina Alexis Arguello, Ricardo Mayorga at Roman Gonzalez.
Sa opening round pa lamang ay nagpaulan na ng mga solidong suntok si Alvarado kay Petalcorin na walang nagawa kundi ang makipagsabayan.
Sa seventh round ay walang awang binugbog ni Alvarado si Petalcorin hanggang mapaluhod ang Filipino fighter ngunit muling nakatayo para sa determinadong paghahabol sa scorecards ng mga judges.
Ngunit sa huli ay hindi na nakayanan ng tubong Davao City, Davao del Sur ang mga suntok sa mukha at bodega sa kanya ni Alvarado.
- Latest