Krog hari ng Tour of Matabungkay
MANILA, Philippines — Nagiging ordinaryo na para kay junior cyclist Rex Luis Krog ng Go For Gold Philippines ang manalo sa mga elite races.
Sa katunayan ay pinagharian ng 18-anyos na si Krog ang Tour of Matabungkay kung saan nakatuwang niya si Go For Gold teammate Ean Cajucom sa nasabing four-stage race.
Inangkin ni Krog ang overall general classification title sa kanyang tiyempong pitong oras, 11 minuto at 13.45 segundo kasunod sina runner-up Mark Ryan Mendoza (1:37 ang agwat) at third-placer Albert Primero (2:21 ang layo).
Pumang-apat naman ang 16-anyos na si Cajucom, nadiskubre ni Go For Gold project director Ednalyn Calitis Hualda, na may agwat na 2:45 minuto kay Krog.
“We are really proud of the development of our young riders. They continue to do well and we hope that it continues with more races in their schedule,’’ ani Go For Gold godfather Jeremy Go.
Susunod na lalahukan ni Krog, nag-uwi ng silver medal mula sa 2018 UCI Asian championships ang three-day Tour de Linggarjati sa West Java sa Oktubre 25-27 at isa pang karera sa Indonesia.
- Latest