Archers lusot sa falcons sa ot
MANILA, Philippines — Naungusan ng De La Salle University ang Adamson University sa overtime, 79-78, sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa mahigpit na depensa nina Aljun Melecio, Andrei Caracut at Kib Montalbo ay hindi pinaiskor ng Green Archers ang Soaring Falcons sa unang tatlong minuto sa extension period upang itakas ang ikaapat na panalo sa pitong laro at manatili sa solo fourth spot.
Ang Adamson ay nahulog sa three-way tie sa top spot kasama ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles at Far Eastern University Tamaraws sa parehong 5-2 kartada pagkatapos ng first round.
Pinangunahan ni Melecio ang Green Archers sa kanyang 22 puntos, 4 rebounds, 2 assists at 1 steal, habang may tig-16 markers sina Santi Santillan at Justine Baltazar.
Sina Caracut at Montalbo ay tumapos ng tig-walong puntos para sa magandang umpisa ng Green Archers sa second round na magsimula ngayon.
Sa unang laro, umiskor si John Lloyd Clemente ng 21 puntos at may 14 markers si Dave Ildefonso para iangat ang National University Bulldogs sa 88-61 panalo kontra sa University of the East Red Warriors.
Nagtulong sina Clemente at ang magkapatid na Dave at Shaun Ildefonso ng 24 puntos upang ilayo ang Bullldogs sa 52-28 kalamangan sa first half tungo sa ikalawang panalo sa pitong laro.
Umani sina Shaun at Dave Ildefonso ng tig-12 puntos para sa NU.
Tumipak si Alvin Pasaol ng 20 puntos, 9 rebounds at 2 steals, habang si Chris Conner ay gumawa rin ng 15 markers para sa koponan ng UE.
- Latest