Para Games athletes handa na
MANILA, Philippines — Handa na ang Pinoy differently-abled athletes na sumabak sa 2018 Asian Para Games na idaraos sa Oktubre 6 hanggang 13 sa Jakarta, Indonesia.
Binubuo ng 57 atleta ang pambansang delegasyon sa pangunguna nina Paralympians Adeline Dumapong-Ancheta ng powerlifting at Josephine Medina ng table tennis.
Umani si Dumapong-Ancheta ng tansong medalya sa 2000 Sydney Paralympics habang nakatanso rin ito sa 2018 World Para Powerlifting Asia-Oceania Open Championships sa Japan.
Nakahirit naman si Medina ng tanso sa 2016 Paralympics sa Rio de Janeiro, Brazil para tuldukan ang halos dalawang dekadang pagkauhaw ng bansa sa medalya sa naturang quadrennial meet.
Makakasama ni Medina sa koponan sina Minnie Cadag, Benedicto Gaela, Pablo Catalan, Darwin Salvacion at Smith Cartera habang katropa ni Dumapong-Ancheta sina Achelle Guion, Agustin Kitan, Marydol Pamatian at Romeo Tayawa.
Sasabak din sina Agustina Batinloc at Giovanni Ola (archery), Prudencia Panaligan, Andy Avellana, Jerrold Mangliwan, Joel Balatucan, Evaristo Carbonel, Jeanette Acebeda, Marites Burce, Arman Dino at Cendy Asusano (athletics), Jonas Matados, Paz Lita at Kathleen Pedrosa (badminton), Sander Severino, Henry Lopez, Jasper Rom, Minandro Redor, Israel Peligro, Arman Subaste, Francis Ching, Rodolfo Sarmiento, Cecilio Bilog, Fe Mangayayam, Jean-Lee Nacita at Cheryl Angot (chess, Arthus Bucay at Godfrey Taberna (cycling) at Gener Padilla, Deterson Omas at Carlito Agustin (judo).
Target ng Pinoy athletes na malampasan ang limang pilak at limang tansong nakamit nito noong 2014 edisyon sa Incheon, South Korea.
- Latest