Incentives ng Asiad medalists ibibigay na ng POC bukas
MANILA, Philippines — Muling bubuhos ang biyaya para sa mga atletang nag-uwi ng medalya sa 18th Asian Games na ginanap sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.
Ito ay dahil ibibigay na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang insentibong ipinangako nito bukas sa alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Idaraos ito bago magsimula ang second game ng PBA Governors’ Cup sa pagitan ng Barangay Ginebra at San Miguel Beer.
Nakatakdang igawad sa mga gold medallists ang P2 milyon samantalang bibigyan ng P500,000 ang silver medallists at P300,000 naman sa bronze medallists.
Dinagdagan pa ito ng PLDT/Smart ng premium phones para sa mga gold at silver winners habang tatanggap ng pocket wifi ang mga bronze medallists.
Ayon sa statement ni POC secretary general Patrick Gregorio, kailangang suot ng mga atleta ang Asian Games Adidas Philippine Team jackets at ang kanilang mga medalya.
Nag-uwi ang Team Philippines ng apat na ginto, dalawang pilak at 15 tanso sa quadrennial meet.
Bumabandera sa listahan ng mga mabibiyayaan ng pabuya sina weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Arda Didal, golfer Yuka Saso at ang women’s golf team na nakasungkit ng gintong medalya sa kani-kanilang events. (CCo)
- Latest