Guiao hihintayin pa ang desisyon ng FIBA sa kaso ni Slaughter
Bago pumili ng gilas final 12
MANILA, Philippines — Hangga’t wala pang desisyon ang FIBA tungkol sa estado ni Barangay Ginebra giant Greg Slaughter ay hindi pa makakapaglabas ng kanyang line-up si national coach Yeng Guiao para sa second round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sinabi ni Guiao na may epekto ang magiging desisyon ng FIBA sa eligibility ng seven-footer na si Slaughter sa magiging Final 12 ng Gilas.
“The situation of Greg does not only affect his slot. It affects some other persons,” wika ni Guiao sa 30-anyos na higante ng Gin Kings.
Patuloy ang ensayo ni Slaughter sa Gilas bilang bahagi ng 16-man national training pool.
May isyu sa dokumento ni Slaughter na ang ama ay isang German habang ang ina ay tubong Cebu.
Umaasa si Guiao na aaprubahan ng FIBA ang paglalaro ni Slaughter bilang isang local player ng Gilas sa Asian Qualifiers.
Naisumite na ni Slaughter ang kanyang mga dokumento sa FIBA at sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Samantala, tiniyak naman ni Guiao na hindi niya ilalaglag ang sinuman kina Fil-German center Christian Standhardinger at Fil-Am guard Stanley Pringle para sa second window ng FIBA Asian Qualifiers.
Sina Standhardinger at Pringle ay kinikilala ng FIBA bilang mga naturalized player.
Sa patakaran ng FIBA ay hindi pinapayagan ang isang koponan na magpalaro ng dalawang naturalized player.
Nakatakdang labanan ng Gilas sa Asian Qualifiers ang Iran sa Setyembre 13 sa Tehran at ang Qatar sa Setyembre 17 sa home game.
- Latest