Gutang slam dunk king
MANILA, Philippines — Isang matikas na palabas ang inilatag ni Justin Gutang ng College of Saint Benilde upang angkinin ang korona sa Slam Dunk competition ng NCAA Season 94 All-Star Game kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sapat na ang isang reverse two-handed dunk at isang left-handed jam para makakuha si Gutang ng 41 puntos mula sa limang miyembro ng mga hurado kabilang na si Alab coach Jimmy Alapag.
Hindi naman nakumpleto nina Arellano University bet William de Leon at Lyceum of the Philippines standout Enoch Valdez ang kani-kanilang dunks sa final round para tuluyang ipaubaya ang korona kay Gutang.
“I wasn’t satisfied with my performance because I wasn’t able to practice that much but a win is a win,” ani Gutang na umiskor ng 46 puntos sa eliminasyon para makapasok sa finals.
Sa three-point shootout, pinataob ni AC Soberano ng San Beda University si Exeqiel Biteng ng Mapua University sa finals para masungkit ang titulo – ang kanyang ikalawa matapos mamayagpag may tatlong taon na ang nakalilipas.
Namayani rin sina San Beda alumnus Rome Dela Rosa, Calvin Oftana at Anfernee Zachary Estacio sa Shooting Stars event.
Si Dela Rosa, na apat na beses nagkampeon sa kampo ng Red Lions, ang pumalit kay Jake Pascual. Manonood lang sana si Dela Rosa ng laro ng kanyang kapatid na si Ry Dela Rosa ng JRU.
Subalit hinatak ito ng San Beda matapos hindi dumating si Pascual.
Tinalo nina Dela Rosa, Oftana at Estacio sina Clint Escamis, Exi Biteng at Yong Garcia ng Mapua.
Pinagharian naman ni Mark Mallari ng JRU ang skills challenge.
- Latest