Pinay belles tumiklop sa Thailand
MANILA, Philippines — Pinahirapan muna ng Pinay spikers ang powerhouse Thailand bago isuko ang 22-25, 12-25, 15-25 desisyon sa pagsisimula ng volleyball competitions kahapon sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Pinakamatikas ang ipinamalas ni three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na kumana ng pitong puntos sa dalawang sets na paglalaro para sa Pilipinas na nahulog sa 0-1 sa Pool B.
“This is just the start and we’re definitely challenged for the upcoming games. Sana mabigyan namin ng magandang laban yung mga kalaban namin. Nakakatuwang makita yung chemistry ng buong team na gumagalaw lahat in this game,” ani Valdez.
Nakagawa naman sina outside hitter Jaja Santiago at opposite spiker Kim Kiana Dy ng tig-anim habang nagdagdag si middle blocker at team captain Aby Maraño ng lima at apat mula kay substitute Mylene Paat.
Inilatag ng Thailand ang husay nito matapos dominahin ang attack line tangan ang 50-29 bentahe sa pangunguna ni Pimpichaya Kokram na humataw ng 13 kills at Chatchu On Moksri na naglista naman ng 10 kills, tatlong aces at dalawang blocks.
Naramdaman din si Thailand flagbearer Pleumjit Thinkaow na may 10 markers at veteran wing spiker Wilavan Apinyapong na kumana ng walong attacks.
Nakakuha ng positibong komento ang Pinay spikers mula kay World Grand Prix veteran Thinkaow.
“(It was a) good game,” aniya.
May 7-3 edge ang Thais sa blocks at 7-5 lead sa service aces sa larong tumagal lang ng 72 minuto.
- Latest