Pinoy jins handa nang sumipa sa Asiad
MANILA, Philippines — Handa na ang national taekwondo team na makatulong sa kampanya ng pambansang delegasyon sa 2018 Asian Games na nakatakdang magsimula sa Agosto 18 sa Jakarta, Indonesia.
Binubuo ng 17 atleta ang national taekwondo team sa pangunguana ni Olympian Kirstie Elaine Alora na sasabak sa women’s heavyweight division.
Lalarga rin sina Southeast Asian Games champions Samuel Thomas Harper Morrison at Pauline Louise Lopez kasama sina Kristopher Uy, Francis Aaron Agojo, Arven Alcantara, Dustin Mella, Rodolfo Reyes Jr., Jordan Dominguez, Jenar Torillos, Baby Jessica Canabal, Rhezie Aragon, Darlene Arpon, Janna Dominique Oliva, Juvenile Faye Crisostomo, Jocelyn Ninobla at Rinna Babanto.
Sumailalim ang Pinoy jins sa matinding pagsasanay upang masiguro na nasa perpektong kundisyon ito sa ilalim ng South Korean trainer na si Tae Sang Lee kasama sina national coaches Dindo Simpao at Japoy Lizardo.
“Sobrang tindi ng training namin. Maraming drills na pinapagawa sa amin na talaga namang makakatulong sa amin,” wika ni Alora.
Nakapagbigay ang taekwondo ng limang tansong medalya noong 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.
Ngunit sa limang tanso, tanging sina Alora at Morrison na lamang ang magbabalik sa pagkakataong ito.
At umaasa ang dalawang beteranong jins na mas magiging maningning ang kanilang kampanya sa pagkakataong ito – ang makapag-uwi ng gintong medalya.
- Latest