Saludar ‘di kinaya ang Japanese pug
MANILA, Philippines — Nabigo si Froilan Saludar na masundan ang yapak ng kanyang nakakabatang kapatid bilang bagong Filipino world boxing champion.
Ito ay matapos pabagsakin ni Japanese Sho Kimura si Saludar via sixth-round knockout victory para mapanatiling suot ang kanyang World Boxing Organization flyweight crown noong Biyernes ng gabi sa Qingdao Guosen Gymnasium sa Shandong province, China.
Hindi nakaporma ang 29-anyos na si Saludar kay Kimura para malasap ang ikatlong kabiguan (28-3-1, 19 KOs) habang pinaganda ng Japanese title-holder ang kanyang record sa (17-1-2, 10 KOs).
Nabalewala ang inilistang five-fight winning streak ng tubong Polomolok, South Cotabato kung saan siya naupo sa No. 4 sa WBO flhyweight rankings.
Ang body shot ni Kimura ang nagpabagsak kay Saludar sa fifth round habang dalawang beses pinatumba ng Japanese ang Pinoy challenger sa sixth round patungo sa kanyang panalo.
Nauna nang tinalo ng kanyang kapatid na si Vic Saludar (18-3-0, 10 knockouts) si Japanese Ryuya Yamanaka (16-3-0, 5 KOs) via unanimous decision para agawin sa Japanese ang hawak nitong WBO minimumweight belt kamakailan sa Kobe, Japan.
- Latest