Saludar puntirya ang titulo ni Kimura
MANILA, Philippines — Kasalukuyang may tatlong lehitimong world boxing champions ang Pilipinas at gusto ni Froilan Saludar na mapabilang siya sa grupo.
Tatangkain ni Saludar (28-2-1, 19 KOs) na maagaw kay Sho Kimura (16-1-2, 9 KOs) ng Japan ang suot nitong World Boxing Organization flyweight crown ngayong gabi sa Qingdao Guosen Gymnasium sa Shandong province, China.
Ang nakakabatang kapatid ni Saludar na si Vic (18-3-0, 10 knockouts) ang umagaw sa WBO minimumweight belt ni Japanese Ryuya Yamanaka (16-3-0, 5 KOs) via unanimous decision kamakailan sa Kobe, Japan.
Maliban kay Vic Saludar, ang iba pang world boxing champion ng bansa ay sina WBO welterweight king Manny Pacquiao at IBF super flyweight title-holder Jerwin Ancajas.
Sina WBA featherweight Jhack Tepora at WBA bantamweight Reymart Gaballo ay mga interim titlists naman ng kanilang mga dibisyon.
Matapos mabigo kay Takuma Inoue ng Japan noong 2016 ay limang sunod na panalo ang kinuha ng 29-anyos na si Froilan para makuha ang No. 4 spot sa WBO flyweight rankings.
Gumawa naman ng eksena ang 29-anyos ding si Kimura nang talunin si Chinese boxing star Zou Shiming via 11th round TKO para agawin ang hawak nitong titulo noong nakaraang taon sa Shanghai, China.
Matagumpay na naipagtangol ni Kimura ang nasabing titulo noong Disyembre via ninth-round TKO win laban sa kababayang si Toshiyuki Igarashi sa Tokyo, Japan.
Samantala, paglalabanan nina dating world three-division titlist Donnie "Ahas" Nietes (41-1-4, 23 KOs) ng Murcia, Negros Occidental at "Mighty" Aston Palicte (24-2-0, 20 KOs) ng Bago City ang bakanteng WBO super flyweight belt sa Setyembre 8 sa The Forum sa Inglewood, California.
- Latest