Scratchers makikisalo uli sa itaas
MANILA, Philippines — Target ng Go For Gold na makisalo sa liderato sa pakikipagtipan nito sa Marinerong Pilipino sa pagpapatuloy ng 2018 PBA D-League Foundation Cup ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Scratchers at Skippers sa ala-una na susundan ng bakbakan ng Batangas at AMA Online Education sa alas-3.
Kasalukuyang nasa No. 2 spot ang Go For Gold tangan ang 6-2 marka habang nangunguna ang Che’Lu Bar and Grill na may 7-2 kartada.
Nabangasan ang Scratchers matapos magtamo ng injuries sina Ron Dennison at James Martinez.
Subalit malalim ang bench ni Scratchers head coach Charles Tiu kaya’t marami itong mahuhugot para punan ang nabakanteng puwesto ng dalawa.
“The challenge is blend them with the team again,” wika ni Tiu.
Nariyan si Gab Banal na nagbalik-aksiyon na para sa Scratchers habang maganda naman ang debut ni Rey Publico nang kunin ng tropa ang 75-60 panalo laban sa Centro Escolar University.
Si Banal ang humatak sa Go For Gold sa 93-88 panalo kontra sa Marinerong Pilipino sa kanilang unang paghaharap sa first round.
Subalit desidido si Skippers mentor Koy Banal na makaresbak upang magkaroon ng magandang momento bago pumasok sa playoffs.
“We still want to win. It’s good to go into the playoffs on a winning note,” ani Banal.
Sasandalan ni Banal sina Trevis Jackson, Jorey Napoles at Robbie Manalang.
Pareho namang nagnanais ng magandang exit ang Batangas (3-6) at AMA Online Education (0-8) na kapwa nasibak na sa kontensiyon.
- Latest