Corteza sinargo ang korona sa Japan Open
MANILA, Philippines — Muling namayagpag ang Pilipinas sa mundo ng billiards matapos masikwat ni Lee Vann Corteza ang korona sa 31st Japan Open 10-Ball Championship na ginanap sa New Pier Hall sa Tokyo, Japan.
Naitakas ni Corteza ang dikitang 8-7 panalo laban kay Japanese ace Naoyuki Oi sa finals para makuha ang $10,623 premyo.
Nagkasya lamang sa $5,311 konsolasyon si Oi sa event na may basbas ng World Pool-Billiard Association.
Umabante sa finals si Corteza nang manaig ito kay Wu Kun Lin ng Chinese-Taipei sa semifinals sa bisa ng 8-4 panalo.
Kabilang din sa mga pinatalsik ni Corteza sina Naoki Yamashita ng Japan sa first round (9-6), Sho Tsuken ng Japan sa second round (9-1), Satoshi Oaki ng Japan sa third round (9-3), Tadasu Sukigihara ng Japan sa fourth round (8-6) at Cheng Yu-Hsuan ng Chinese-Taipei sa quarterfinals (8-3).
Lumahok din sa torneo si Antonio Lining subalit umabot lamang ito sa quarterfinals para magkasya sa $1,327 konsolasyon.
Mayroon nang dalawang titulo si Corteza sa taong ito.
Nauna nang nagkampeon ang Davao City pride sa 2018 Predator Pro-Am Tour sa Astoria, New York noong Abril.
Nagkampeon kamakailan sina Warren Kiamco sa 2018 West Coast Swing 10-Ball Challenge sa Arizona; Dennis Orcollo sa 2018 West Coast 10-Ball Pro Challenge sa California at Freezer’s Icehouse One Pocket Challenge sa Arizona at Jeffrey De Luna sa 6th Annual Cole Dickson 9-Ball Championship sa San Francisco.
- Latest