Risers, Heroes nanalasa sa MPBL Datu Cup
MANILA, Philippines — Nagwagi ang Bataan Risers laban sa Davao Occidental Tigers, 91-88 habang nilampaso ng Laguna Heroes ang Navotas Clutch, 74-61 sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Biyernes ng gabi sa Navotas Sports Complex.
Umiskor si Alab Pilipinas standout Pamboy Raymundo ng 21 puntos habang 11 naman kay Byron Villarias para masungkit ng Risers ang ikalawang panalo sa tatlong laro.
Binura ng Risers ang one-point bentahe ng Tigers, 77-76 sa pamamagitan ng three-point shot ni Villarias para iangat ang Bataan sa 79-77 kalamangan, mahigit 2:20 na lang ang natitira sa tikada.
Mula rito hindi na binitiwan pa ng Risers ang unahan hanggang sa buzzer upang ipatikim sa Tigers ang unang kabiguan.
Umani rin si Rob Celiz ng 10 puntos para sa Bataan na hangad malampasan ang kanilang quarterfinal finish noong nakaraang MPBL Anta Rajah Cup.
“I’d like to believe that we’re playing better. But we still have a lot of things to improve, particularly on the defensive end. I was surprised at how good Davao Occidental is as a team. They really gave us a tough time,” sabi ni Risers coach Jojo Lastimosa.
Sa iba pang laro, nasungkit din ng Heroes ang ikalawang panalo para umangat sa sosyohan sa ikatlong puwesto kasama ang Davao Occidental Tigers sa parehong 2-1 card sa Southern Division.
- Latest