Fernandez swak sa 2nd round
MANILA, Philippines — Matikas ang panimula ni Southeast Asian Games gold medallist Mario Fernandez nang magtala ng opening-round win para umusad sa second round ng 2018 Thailand Open International Boxing Tournament sa Bangkok, Thailand.
Nagtala si Fernandez ng 5-0 unanimous decision win kontra kay Louis Jean Hughes Miley ng Mauritius sa men’s bantamweight (56 kg.).
Si Fernandez ay pinaboran nina judges Uktam Barazov ng Uzbekistan, Younis Nabeel ng Jordan, Neamah Jasim Jawad ng Iraq, Ho Goe Chuen ng South Korea at Katugampalaka Puhamlag ng Sri Lanka
Aarangkada si Fernandez sa second round laban kay Kharkhuu Engkh-Amar ng Mongolia.
Magtatangka namang kumuha ng tiket sa quarterfinals ngayong araw sina Carlo Paalam (men’s light flyweight - 46-49 kg.) at Sugar Ray Ocana (men’s light welterweight – 64 kg.).
Titipanin ni Paalam si Matsumo Ryusei ng Japan at haharapin ni Ocana si Hsieh Kai-Yu ng Chinese-Taipei.
Nakatakda ring lumaban kagabi sina Marvin Tabamo, James Palicte at Joel Bachon.
Target ni Marvin Tabamo na makakuha ng quarterfinal slot sa pagsagupa kay Jean David Rolfo ng Mauritius sa men’s flyweight (52 kg.), habang susuntok sina Palicte (men’s lightweight – 60 kg.) at Bacho (men’s welterweight (69 kg.) laban kina Lai Chu-En ng Chinese-Taipei at Sailom Ardee ng Thailand, ayon sa pagkakasunod.
- Latest