Bacoor Strikers mainit ang debut
MANILA, Philippines — Umarangkada si Oping Sumalinog ng 22 puntos upang iangat ang Bacoor Strikers sa 76-71 panalo kontra sa Cebu Sharks sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Huwebes ng gabi sa Muntinlupa City Sports Complex.
Si Sumalinog na standout ng ABL champion Alab Pilipinas ay umani ng 22 puntos, pitong rebounds at dalawang blocks kabilang na ang kanyang undergoal shot para ilayo ang Strikers, 74-70 mahigit 48 segundo na lang ang natitira.
Dahil sa kanilang panalo, ang Strikers ni coach Budds Reyes ay nakisalo sa five-way tie sa ikalawang puwesto sa South Division kasama ang Anta Rajah Cup champion Batangas Athletics, Davao Tigers, Zamboanga Valientes at Parañaque Patriots sa parehong 1-0 win-loss kartada.
“Ako po ay labis na natutuwa sa unang pagkakapanalo ng ating Bacoor City Strikers. At mas naging masaya ako na makita ang Bacooreños na proud at masaya,” pahayag ni Rep. Strike Revilla.
Sa ikalawang laro, nasikwat ng Muntinlupa Cagers ang ikalawang sunod na panalo nang igupo ang Marikina Shoemakers, 85-76 para okupahan ang solo top spot sa South Division.
- Latest