Cignal handang idepensa ang titulo
MANILA, Philippines — Makikipagsabayan ang Cignal kontra sa matitikas na koponan para maipagtanggol ang kanilang korona sa PSL Invitational Conference na hahataw sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Babanderahan ang tropa nina seasoned spiker Rachel Anne Daquis, national pool member Mylene Paat, Janine Navarro at Rialen Sante.
Makakasama ng apat sina middle blockers Cherry Vivas at Shirley Salamagos, playmaker Acy Masangkay at libero Jheck Dionela.
“We’re devising some plays, especially for Rachel. We know that she’s been hampered with injuries the past couple of conferences. We want to bring back her confidence. We want her to lead us back to the title. She is our leader,” wika ni Cignal head coach Edgar Barroga.
Sa kabila ng pagkawala ng ilang key players, tiwala ang HD Spikers na maduplika ang kanilang tagumpay noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga nawala sa tropa sina Jovelyn Gonzaga at Janine Marciano dahil sa kani-kanilang injuries habang lumipat si Honey Royse Tubino sa Cocolife sa Grand Prix bago muling lumundag sa Smart sa edisyong ito.
Wala na rin sina Chie Saet at Paneng Mercado na napunta sa Petro Gazz na naglalaro sa Premier Volleyball League.
Gayunpaman, handa ang HD Spikers na makipagsabayan laban sa malalakas na tropa partikular na ang Petron, F2 Logistics at Foton.
- Latest