Skippers nakabangon agad
MANILA, Philippines — Ibinuhos ng Marinerong Pilipino ang ngitngit nito sa Batangas matapos itarak ang impresibong 106-64 demolisyon kahapon sa 2018 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagsanib-puwersa sina Robbie Manalang at Trevis Jackson para tulungan ang Skippers na maitala ang 53-24 kalamangan sa first half.
Mula rito, hindi na nakaporma pa ang Generals para tuluyang angkinin ng Skippers ang kanilang ikalawang panalo.
Magandang panalo ito upang maibalik ang kumpiyansa ng Skippers matapos lumasap ng 88-71 kabiguan sa Che’Lu Bar and Grill noong nakaraang linggo.
Nakalikom si Manalang ng kabuuang 20 puntos tampok ang apat na three-pointers habang nagdagdag naman si Jackson ng 19 markers, apat na rebounds at apat na dimes.
Sumali sa atake sina Jorey Napoles, Abu Tratter at Javi Gomez de Liaño nang magtulung-tulong ang mga ito sa pagkolekta ng 30 points at 36 rebounds.
Umangat ang Skippers sa 2-1 baraha.
Sa ikalawang laro, iginupo ng CEU ang AMA Online Education, 96-85 para sumulong sa 2-2 baraha.
- Latest