4 teams bakbakan para sa buwenamano sa MPBL
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy ang aksiyon sa baguhang liga, sa paghaharap ngayon ng Imus Bandera laban sa Davao Occidental Tigers habang magtatagpo ang kapwa expansion teams Laguna Heroes at Zamboanga Valientes sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Datu Cup sa Laguna Sports Complex.
Tiyak ang magandang laban sa pagtatagpo ng Imus Bandera at Davao Tigers sa alas-7 ng gabi habang inaasahan din ang dikit na laro sa pagitan ng mga baguhang Laguna Heroes at Zamboanga Valientes sa alas-9 ng gabi.
Pangungunahan ang Imus Bandera ni head coach Jerry Codiñera nina Elmer Mykiel Cabahug, Matthew Bernabe, John Escalambre, Paolo Pontejos, Chester Ian Melencio, Orly Daroya, Jomari Sollano, Wilson Baltazar, Francis Musayac at Jerwin Gaco.
Hindi rin magpapahuli si head coach Don Dulay ng Davao Tigers at itatapat nito sina Mario Leonida, James Regalado, Bonbong Custodio, Jerold Cabanog, Leo Najorda, Arnold Adormeo, Billy Robles at Mark Yee.
Samantala, sa pagbukas ng home and away league noong Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, nagwagi ang Anta Rajah Cup runner-up Muntinlupa Cagers laban sa paboritong Mandaluyong El Tigre, 86-74 upang angkinin agad ang liderato.
Nasungkit naman ng Marikina Shoemakers ang 88-81 panalo kontra sa GenSan Warriors sa iba pang laro upang makisosyo sa Muntinlupa sa liderato sa parehong 1-0 card.
- Latest