Pontejos tumirada ng gold sa FIBA shoot-out
MANILA, Philippines — Kung mayroon mang karangalan na nakuha ang Pilipinas sa 2018 FIBA 3x3 World Cup, ito ay ang women’s shoot-out crown.
Pinagreynahan ni national women’s team member Janine Pontejos ang shoot-out contest matapos magsalpak ng 14 points sa loob ng 41.86 segundo kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Tinalo ng dating tirador ng Centro Escolar University si Russian bet Alexandra Stolyar na nagtala rin ng 14 points ngunit sa mas mabagal na 49.9 segundo.
“Proud pa rin ako na kahit second or third man makuha ko, basta makapasok ako dito sa finals,” sabi ni Pontejos.
Umabante si Pontejos sa final round matapos magsalpak ng 6 points sa loob ng 22 segundo sa qualifying round noong Linggo.
Ang iba pang lumahok sa shootout competition ay sina Marin Hrvoje ng Croatia at Maksim Dybivskii ng Russia na nagtala ng 11 at 8 points, ayon sa pagkakasunod.
Nakatuwang ni Pontejos sa Philippine squad sina center Jack Animam, Afril Bernardino at Gemma Miranda.
Tinapos ng koponan ang kanilang kampanya sa torneo na may 0-4 record.
Natalo ang Nationals sa No. 4 Netherlands (11-21), No. 11 Germany (10-12), No. 12 Spain (17-21) at sa No. 3 Hungary (15-18).
- Latest