Perpetual kumpiyansa sa kampanya sa 94th NCAA season
MANILA, Philippines — Malaki ang tiwala ni University of Perpetual Help Dalta System president Anthony Tamayo sa matagumpay na kampanya ng Altas sa 94th Season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) na magbubukas sa Hulyo 3 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“I have faith that we will do good this season in many fronts, we have high expectations,” sabi ni Tamayo, ang NCAA president at host para sa darating na season.
Umaasa si Tamayo na mauulit ng Perpetual ang magandang performance sa nakaraang 1996 at 1997 Seasons kung saan nasungkit ng koponan ang general championships trophy.
Bukod sa basketball at volleyball, kumpiyansa rin si Tamayo sa magandang pagpapakita ng kanilang track and field team sa pangunguna nina Francis Medina at Ernie Calipay na nag-uwi ng gintong medalya mula sa 2018 Ayala Philippine National Open and Invitational Athletics Championships sa Ilagan City, Isabela.
Inaasahan ni Tamayo ang magandang kampanya ng basketball team na gagabayan ng bagong coach na si Frankie Lim at sa volleyball team sa paggiya ni multi-titled coach Macky Cariño.
Kinuha rin ng Altas si dating Philippine Azkals player Chieffy Caligdong para pangalagaan ang kanilang football team program.
“We want coaches who have a culture of winning like coaches Frankie Lim and Chieffy Caligdong who are both experts in the field to translate our campaign into championships if not now, in the near future,” ani Tamayo.
Pinaghandaan ng Perpetual ang kanilang hosting para sa 2018-2019 Season at tiniyak ni Tamayo ang magandang opening ceremonies.
- Latest