Pinoy cagers wagi sa Brazil, talo sa Mongolia
MANILA, Philippines — Kaagad nagpakita ng kanilang lakas ang Philippine men’s team matapos ungusan ang Brazil, 15-7, sa 2018 FIBA 3x3 World Cup kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Kapwa umiskor sina Stanley Pringle ng Globalport at Troy Rossrio at RR Pogoy ng tig-4 points para sa unang panalo ng Nationals sa Pool C.
Nagdagdag si 6-foot-8 Fil-German Christian Standhardinger ng 3 markers bagama’t may nararamdaman pa ring sakit sa kanyang kaliwang tuhod.
Nagamit nang husto ni Pringle ang kanyang husay sa one-on-one para ipanalo ang Pilipinas, ang No. 19 ranked, laban sa No. 6 seed na Brazil sa 20-team tournament.
Ang 4 points ni Rosario ay kanyang iniskor sa shaded lane, habang nagsalpak naman si Pogoy ng dalawang malalayong two-pointers.
Ngunit sa kanilang ikalawang laro ay nakalasap ang Team Philippines ng 17-21 kabiguan sa No. 11 Mongolia.
Binanderahan naman ni Marcellus Sarmento ang mga Brazilian mula sa kanyang 4 points kasunod ang 2 markers ni Luiz Soriani.
Itinayo ng Nationals ang 11-2 abante sa huling 5:40 minuto ng laro bago nakalapit ang Brazil sa 6-11 agwat sa likod ni Sarmento sa huling 4:04 minuto.
Matapos ang itinawag na timeout ni caoch Ronnie Magsanoc ay nagsalpak si Rosario ng basket na sinundan ng magkasunod na lay-up ni Pringle para muling ilayo ang Philippine team sa 15-6 sa nalalabing 1:14 minuto ng labanan.
Samantala, nakatakdang labanan ng No. 20 Philippine women’s squad, may 0-2 baraha, ang No. 12 Spain ngayong alas-4:20 ng hapon kasunod ang pagsagupa sa No. 3 Hungary sa alas-7 ng gabi.
Nakalasap ang mga Pinay cagers ng 11-21 kabiguan sa Nethelands at 10-12 pagkatalo sa Germany sa pagsisimula ng torneo noong Biyernes.
- Latest