Adamson, St. Benilde asam ang quarterfinals
Laro ngayon (The Arena)
12:30 CSB vs Letran
2:15 SBC vs Perpetual
4:30 Ateneo vs Mapua
6:30 Adamson vs SSC
MANILA, Philippines — Sisikapin ng College of St. Benilde at Adamson University na makahirit ng puwesto sa quarterfinals sa pakikpagtipan sa magkaibang karibal ngayong araw sa pagpapatuloy ng 12th FilOil Flying V Preseason Cup sa The Arena sa San Juan City.
Makakasagupa ng Benilde ang Colegio de San Juan de Letran sa alas-12:30 ng tanghali habang lalarga ang Adamson kontra sa San Sebastian College-Recoletos sa alas-6:30 ng gabi.
Magkasalo sa No. 2 spot sa Group B ang Blazers at Soaring Falcons tangan ang parehong 5-1 baraha. Nauna nang nakahirit ng tiket sa quarters ang Far Eastern University na may hawak na 6-1 marka.
Nais ng Benilde na makabalik sa porma matapos lumasap ng 60-80 kabiguan sa kamay ng Adamson na siyang naging dahilan para mabahiran ang kanilang rekord.
Subalit makakaharap nito ang Letran na galing sa back-to-back wins kontra sa San Sebastian (81-73) at Jose Rizal University (94-71) para mapaganda ang kanilang marka sa 4-2.
Sa kabilang banda, nakasakay ang Soaring Falcons sa three-game winning streak.
Ngunit handa ang Baste na gawin ang lahat upang pigilan ang magandang inilalaro ng Adamson at manatiling buhay ang kanilang pag-asang makapasok sa quarterfinals.
Hawak ng Stags ang 3-3 marka kung saan kailangan nitong maipanalo ang kanilang mga nalalabing laro para mapalakas ang kanilang tsansa.
Masisilayan din ang duwelo ng UAAP champion Ateneo (7-0) at Mapua (4-3) sa alas-4:30 gayundin ang bakbakan ng NCAA titlist San Beda University (3-2) at University of Perpetual Help System Dalta (1-6) sa alas-2:15.
- Latest