Chiefs ibinaon pa ang Heavy Bombers
MANILA, Philippines — Napigilan ng Arellano University ang pagsabog ng Jose Rizal University nang itarak nito ang 76-74 come-from-behind win kahapon sa 12th FilOil Flying V Preseason Cup sa The Arena sa San Juan City.
Naisalpak ni Mauie Sera Josef ang umaatikabong tres sa huling sandali ng laro kasabay ng charities ni Richard Abanes para pamunuan ang Chiefs sa pagsungkit ng ikatlong panalo sa anim na asignatura sa Group B.
“Wala na akong mahihiling pa sa mga players ko. Binilisan namin ‘yung depensa para mapigilan namin sila (Heavy Bombers) sa fourth quarter. Malaking tulong yun sa amin,” ani Arellano head coach Jerry Codiñera.
Bumandera para sa Chiefs si Guilmer Dela Torre na may 15 puntos habang nakalikom ng kabuuang 14 puntos si Sera Josef.
Nagdagdag naman si Adrian Alban ng 11 markers para sa Arellano na agad na nakabalik sa porma matapos lumasap ng 61-67 kabiguan sa Adamson University.
Patuloy ang paglubog ng Heavy Bombers na lumasap ng ikawalong sunod na kabiguan.
Nagtala si Jed Mendoza ng 15 puntos tampok ang 13 sa final period gayundin si MJ Dela Virgen na may parehong 15 points para pamunuan ang Heavy Bombers.
Malaking panghihinayang ito para sa Jose Rizal na nagawa pang makapagtala ng 12 puntos na kalamangan sa huling 1:54 ng laban, 74-62.
Sa juniors, wagi ang San Beda High School sa La Salle Green Hills, 80-79 para makuha ang kanilang pambuenamanong panalo.
- Latest