Cray, Beram masusukat sa mga dayuhang tracksters
MANILA, Philippines — Inaasahang muling magpapasiklab ang dalawang Fil-Ams na sina two-time Olympian Eric Cray at Trenten Beram sa paglarga ngayon sa 2018 Ayala-Philippine National Open Invitational Athletics championships sa Ilagan City Sports Complex sa Isabela.
Bukod kay Cray at 4x100-m relay specialist Beram, ipapakita rin nina Olympian at long jump queen Marestella Torres-Sunang, decathlete star Aries Toledo at triple jumper Mark Harry Diones ang kanilang kahandaan sa nalalapit na 2018 Asian Games ngayong Agosto 18 hanggang sa Sept. 2 sa Jakarta, Indonesia.
Lahat ng mga miyembro ng national team bukod kay pole vault specialist EJ Obiena ay lalahok sa limang araw na kumpetisyon.
“Some 800 to 900 athletes will be coming over. It is a big list, considering there is a Masters’ and Junior’s Division, making it truly an open competition,” pahayag ni Juico.
Ang pole vaulter na si Obiena ay nagsasanay sa Formia, Italy ngayon sa pag-alaga ni Ukrainian coach Vitaly Petrov.
Tiyak na ipapakita rin ni Cray na handang-handa na siyang bumawi sa 2018 Asiad, makaraang tumapos lamang sa silver medal sa centerpiece 100-m dash sa 2017 SEA Games dahil naipit sa schedules ng 400-m hurdles finals.
Inaasahang agaw-pansin ang mga atleta mula sa United Arab Emirates, Indonesia, Sri Lanka, Thailand, Malaysia at Sabah, na ginagamit ang Philippine Open bilang paghahanda sa 18th Asian Junior Athletics Championships sa Gifu, Japan ngayong Hunyo 7-10. (FCagape)
- Latest