Rockets binomba ni Curry ng tres
Warriors angat sa 2-1
OAKLAND, California -- Nang maibalik ni Stephen Curry ang kanyang shooting touch ay hindi na nangamba ang Golden State Warriors.
Tumipa si Curry, may isang three-point shot lamang sa Games One at Two sa Houston, ng 5-for-12 shooting sa 3-point line para tumapos na may 35 points at pamunuan ang Warriors sa 126-85 paglampaso sa Rockets sa Game Three ng Western Conference Finals.
“I never lose confidence, and I knew to just keep searching in the right ways to find some openings, and things would work out. I got to the free throw line for an and-one and saw the ball go in. It was the right place at the right time,” ani Curry. “From there, it was kind of an avalanche, and it felt good.”
Bumangon ang Golden State mula sa kabiguan sa Game Two para kunin ang 2-1 abante sa kanilang best-of-seven series ng Rockets.
Dumiretso ang Warriors sa kanilang ika-16 sunod na home playoff win.
Tumapos si Curry na may 13-of-23 fieldgoal shooting para sa Golden State, ang lahat ng starters ay umiskor sa double digits kasama ang 25 points ni Kevin Durant.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 13 markers at may 11 points si Quinn Cook.
Binanderahan naman ni James Harden ang Houston mula sa kanyang 29 points habang nagdagdag ng tig-13 markers sina Chris Paul at Clint Capela.
Itinala ng Warriors ang 21-point lead, 64-43 bago humataw ang Rockets sa pamamagitan ng 10-2 atake para sa kanilang 13-point deficit.
Ngunit nagsagawa ang Golden State ng 13-0 atake sa pangunguna ni Curry para itayo ang 27-point advantage na hindi na nagawang putulin ng Houston.
- Latest