Gilas Pilipinas susukatin ang lakas ni Maker
MANILA, Philippines — Hindi si NBA superstar Giannis Antetokounmpo ang ipaparada ng Australia sa third window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers kundi ang kakampi nito sa Milwaukee Bucks na si Thon Maker.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaro para sa mga Boomers ni head coach Andrej Lemanis ang 21-anyos at 7-foot-1 na si Maker, ang No. 10 overall pick noong 2016 NBA Rookie Draft.
Masusukat ng Gilas Pilipinas, inaasahang muling ipaparada si 6’8 NBA veteran Andray Blatche, ang husay ni Maker sa kanilang bakbakan sa Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
“The Philippines is a team with a lot of international experience. We all know that their fans love basketball and are going to push for their guys, and as they lost in the first game against us, they will want to win at home,” ani Maker sa report sa FIBA.com.
Nagposte ang Australia ng 4-0 record para manguna sa Group B na kinabibilangan din ng Gilas Pilipinas, Chinese-Taipei at Japan.
Bago harapin ang Gilas, makakasagupa muna ng Boomers ang Japanese team sa Hunyo 29.
“Both games are going to be tough, but we want to finish the First Round without any losses,” wika pa ni Maker, makakatuwang nina Mitch Creek at Cameron Gliddon sa kampanya ng Australia.
“The goal is to reach medals and titles in international competitions very soon. Why not at next year’s FIBA World Cup? We want to qualify and fight for the top spots in every tournament we are going to play,” dagdag pa ng NBA center.
Nagtala naman ang Gilas ng 3-1 marka kung saan natalo lamang sila sa Australia, 68-84, noong Pebrero sa second window ng Asian Qualifiers sa Margaret Court Arena sa Melbourne.
Unang makakaharap ng Nationals ang mga Taiwanese sa Hunyo 29 sa Taipei Heping Gymnasium sa Taiwan.
Pinatumba ng Gilas Pilipinas ang Taiwan, 90-83 sa una nilang pagtutuos sa first window noong Nobyembre.
- Latest