Barriga tatalunin ang Colombian pug
MANILA, Philippines — Sasagupain ni Olympian Mark Anthony Barriga si Colombian Gabriel Mendoza sa isang International Boxing Federation (IBF) minimum weight world title eliminator match ngayon sa Sky Dome sa SM North Edsa, Quezon City.
Inihayag ni Barriga ang lubos na kahandaan matapos makuha ang 104 pounds sa weigh-in kahapon na ginanap sa ESPN5 compound sa Mandaluyong City.
“Mahalaga itong laban na ito dahil ito ang magbibigay ng daan sa akin para maabot ko yung pangarap ko na lumaban sa isang world title bout. Ready na ako pero hindi pwedeng maging kumpiyansa,” wika ni Barriga.
Hindi kabisado ni Barriga ang istilo ng laro ng kanyang karibal na miyembro ng Armed Forces sa Colombia.
Kaya’t nangako na lamang ang Pinoy pug na ibubuhos nito ang lahat ng kanyang alas upang makuha ang panalo.
“Wala akong idea sa style na gagawin niya sa laban basta nakahanda lang ako if anong style gagamitin niya. Hindi ko rin kasi napapanood ‘yung mga laban niya basta depende ‘yun sa gagawin niya,” ani Barriga.
Handa rin ang 38-anyos Colombian fighter na maiuwi ang panalo.
“I have all the will and the desire to bring this win to Colombia for my family and to the Armed Forces of Colombia where I belong,” wika ni Mendoza sa pamamagitan ng isang interpreter.
Maganda ang karera ni Barriga sa professional level.
Hawak nito ang malinis na 8-0 rekord.
Noong nakaraang taon, nagtala ito ng limang panalo kabilang ang second round knockout sa kababayang si Marlou Sandoval noong Hunyo sa Dipolog City at unanimous decision win kay Wittawas Basapean ng Thailand noong Setyembre sa Beijing, China.
- Latest