Triple Crown series sa San Lazaro
MANILA, Philippines — Pangungunahan ng Smart Candy ang anim sa pinakamabibilis na thoroughbreds sa bansa sa first leg ng prestihiyosong racing extravaganza para sa mga three-year-old horses -- ang Philippine Racing Commission (Philracom)-backed Triple Crown series sa Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nakamit ng SC Stockfarm three-year-old filly ang dalawa sa tatlong legs ng Philracom 3YO Stakes Race series ngayong taon.
Sa pagdadala ni jockey Kevin Abobo, nanalo ang Smart Candy sa second leg ng 3YO series na may distansyang 1,500-meter race noong Marso at sa 1,600-meter third leg sa sumunod na buwan.
Hangad ng Smart Candy na maduplika ang nagawa ng SC Stockfarm stablemate na Sepfourteen, winalis ang tatlong legs ng Triple Crown series noong nakaraang taon na nagputong sa dating 3YO colt bilang Philippine Sportswriters Association 2017 Horse of the Year.
“The first leg of the Triple Crown is such an important race in the series, because its winner is the only one with the chance to go all the way for the rare 3-peat,” sabi ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez. “I’m sure it will be a battle royale among the seven horses on Sunday.”
Makakasukatan ng Smart Candy ang stablemate na Box Office, ang Misha ni Leonardo Javier Jr., ang Talitha Koum ni George Raquidan, ang Victorious Colt ni Antonio Zialcita at ang Wonderland at Speedmatic ni Herminio Esguerra.
Kabuuang premyong P3 milyon ang nakataya sa karera na tatakbuhin sa distansyang 1,600 metro kung saan ang P1.8 milyon ay ibibigay sa champion horse at ang P675,000 sa runner-up.
Tatanggap ang third at fourth placers ng P375,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod, at ang breeder’s purse ay P10,000.
Pakakawalan din sa Linggo ang P1-million 2018 Philracom Hopeful Stakes Race at ang 3YO Locally Bred Stakes Race.
- Latest