Nagbunga ang sakripisyo ng Blaze Spikers
Sa pag-angkin sa kampeonato ng PSL Grand Prix
MANILA, Philippines — Walang dudang naging emosyunal ang Petron matapos makamit ang korona ng Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix noong Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Binanderahan nina imports Lindsay Stalzer at Katherine Bell ang Blaze Spikers sa 25-19, 25-20, 22-25, 25-18 paggupo sa karibal na F2 Logistics Cargo Movers sa Game Three ng kanilang best-of-three finals series.
Tatlong taon nangarap ang Petron na muling magreyna sa PSL.
“Of course, it feels amazing,” wika ni Stalzer matapos makuha ang kanyang ikalawang Grand Prix title at pangalawang Most Valuable Player award sa prestihiyosong torneo na itinaguyod ng Isuzu at UCPB Gen kasama ang ESPN5 bilang official broadcast partner.
“Last season left a bitter taste in my mouth. So, it’s so awesome when you set a goal and you work towards that goal every single day and it finally paid off. It’s a great feeling for all of us,” dagdag pa ng American spiker.
Matapos matalo sa Cargo Movers sa finals ng Grand Prix noong nakaraang taon ay pinanatili ng Blaze Spikers ang kanilang mga core players na sina Stalzer, Hillary Hurley, Rhea Dimaculangan, Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina, Carmela Tunay, Mika Reyes at Remy Palma.
Ngunit nangyari ang hindi inaasahan.
Nagkaroon si Hurley, ang best offensive weapon ng Petron, ng ankle injury sa krusyal na bahagi ng classifications at sa quarterfinals laban sa Generika-Ayala.
Hinugot ng Blaze Spikers si Bell bilang kapalit ni Hurley.
Sa likod ni Bell ay nagtala ang Petron ng back-to-back wins kontra sa Cocolife sa semifinals.
At sa Game One ng Finals ay humataw si Bell ng 42 points – ang pinakamataas na scoring output matapos ang 56 points ni Cuban Gyselle Silva noong nakaraang buwan.
“Kath provided an immense support to me,” wika ni Stalzer. “Just all the things she said to me, the appreciation and the maturity and the composure that she has, I’m so grateful and lucky that she joined our team.”
“She’s a high class, high level player,” dagdag pa nito.
Hindi rin naitago ni Petron head coach Shaq Delos Santos ang kanyang kasiyahan.
“After three conferences of the Grand Prix, finally we made it,” ani Delos Santos, dating assistant coach nang magreyna ang Blaze Spikers sa Grand Prix title noong 2014.
- Latest