Reyna ang Lady Spikers!
MANILA, Philippines — Tinapos na ng nag-dedepensang De La Salle Lady Spikers ang pag-asa ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa pamamagitan ng 26-24, 25-20, 26-24 panalo sa Game Two upang walisin ang best-of-three championship series ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi napigilan ng Lady Tamaraws si Kim Dy na umiskor ng 18 puntos, ang 11 nito ay sa first set, para sa ikalawang sunod na panalo ng Lady Spikers na nagwagi rin sa Game One, 29-27, 25-21, 25-22, noong Sabado.
Nasungkit din ng Lady Spikers ang kanilang pang-11 sunod na panalo simula noong Marso 3 at naiuwi ang korona.
“Ang nangyari sa last end ng third set, akala ko okay na. Pero ayaw sumuko ng FEU kaya sabi ko sa mga players ko na huwag muna kayong mag-celebrate,” sabi ni head coach Ramil de Jesus.
Bukod kay Dy, malaki rin ang naitulong nina Majoy Baron, Grace Tiamzon, Dawn Macandili, Aduke Ogunsanya at Mich Cobb para masungkit ng Lady Spikers ang ‘three-peat’ at pang-pito sa nakaraang 10 taon.
Ito na rin ang ikatlong Grand Slam ni De Jesus, ang una ay noong Season 66-68 at ang ikalawa ay noong Season 73-75.
“Basta ako, hindi ko na binibilang kung ilang championship ako. Ang ginawa ko lang is to prepare the team hard bago ang season. Then if there’s an opportunity hindi na namin binitiwan pa,” dagdag ni De Jesus, nakamit ang pag-11 championship title.
Samantala, hindi na nag-aksaya ng oras ang National University Bulldogs at tuluyan nang tinanggalan ng korona ang three-time champions na Ateneo Blue Eagles matapos kunin ang 25-20, 31-29, 22-25, 33-31 panalo sa Game Two at walisin ang kanilang title series.
Umiskor si Byran Bagunas ng 22 puntos kabilang na ang 17 atake, apat na blocks at isang ace para tapusin ang dinastiya ng Blue Eagles sa loob ng tatlong taon.
Nagdagdag ng 18 puntos si James Natividad para sa Bulldogs, itinala ang 25-20, 25-19, 25-23 panalo sa Game One.
“Sinabi ko sa kanila kanina na chance na natin ngayon,” sabi ni NU coach Dante Alinsunurin.
- Latest