Raptors, Celtics 2-0 na
TORONTO--Dinuplika ni DeMar DeRozan ang kanyang career playoff-high na 37 points habang humakot si Jonas Valanciunas ng 19 points at 14 rebounds para pamunuan ang Raptors sa 130-119 pagdomina sa Washington Wizards at ilista ang 2-0 abante sa kanilang first-round playoff series.
Nagdagdag si Kyle Lowry ng 13 points at career playoff-high 12 assists para tulungan ang Toronto na ilista ang team playoff records.
Umiskor naman si C.J. Miles ng 18 points at nagdagdag sina Delon Wright at Serge Ibaka ng 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa Raptors, tinapos ang NBA-worst 10-game losing skid sa Game One sa pamamagitan ng 114-106 panalo noong Sabado.
Kumonekta ang Toronto ng team playoff record na 16 three-pointers sa Game One at nagposte ng 12 of 32 sa 3-point line sa Game Two.
Pinamunuan naman ni John Wall ang Wizards mula sa kanyang 29 points kasunod ang 20 at 14 markers nina Mike Scott at Ty Lawson, ayon sa pagkakasunod.
Lilipat ang Game Three sa Washington sa Sabado (Manila time).
Sa Boston, humataw si Jaylen Brown ng playoff career-high 30 points at kumawala ang Celtics sa second half para kunin ang 120-106 panalo laban sa Milwaukee Bucks.
Tumipa si Terry Rozier ng 23 points para sa Boston, itinala ang 2-0 series lead sa kanilang first-round matchup ng Milwaukee.
Nakatakda ang Game Three sa balwarte ng Bucks sa Sabado (Manila time).
Nagtayo ang Boston ng 20-point lead hanggang makadikit ang Milwaukee sa 97-107 agwat sa huling 4:13 minuto ng laro.
Nagpakawala naman ang Celtics ng 11-2 ratsada, tampok ang 3-pointer ni Brown para muling iwanan ang Bucks sa 118-99.
Nagposte si Giannis Antetokounmpo ng 30 points, 9 rebounds at 8 assists sa panig ng Milwaukee.
- Latest