Cagers itutulak ang Game 5
MANILA, Philippines — Hangad ng Muntinlupa Cagers na itabla ang best-of-five championship series sa muling pagtatagpo kontra sa Batangas Athletics sa Game 4 ngayon sa 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup sa Muntinlupa City Sports Complex.
Nabigo ang Athletics na walisin ang serye matapos bumawi ang Muntinlupa Cagers noong Martes, 82-77 para ibaba ang bentahe ng Batangas, 1-2 at maipursige ang deciding fifth game sa huling paghaharap sa homecourt ng Cagers.
Kung magkakaroon pa ng deciding game, ito ay babalik sa homecourt ng Athletics ngayong Sabado kung saan tiyak na dadagsa ang mga Batangueño para makuha ang mahigit P1 million top prize at 24-inch trophy mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao.
Makakatanggap din ng mahigit P500,000 cash prize ang runner-up mula rin kay 8-division world boxing champion Pacquiao.
Pinangunahan ni Allan Mangahas ang Cagers sa kanyang 23 puntos na may kasamang walong assists at dalawang steals habang si Pari Llagas ay umani ng 19 puntos, anim na rebounds, limang assists at dalawang steals upang mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa.
Sa umpisa pa lamang ay kaagad rumatsada sina Mangahas, Dave Moralde at Llagas para sa 19-3 kalamangan sa kalagitnaan ng unang yugto.
Malaki rin ang naitulong ng dominanteng pro-crowd, kaya hindi na nila binitiwan pa ang bentahe. Ang pinakamalapit na nagawa ng Batangas ay 66-77.
Ngunit ‘yun na lang ang huling hirit ng Batangas dahil rumaratsada rin si Chito Jaime ng sunud-sunod na puntos para ilayong muli ang home team.
- Latest