Pinoy Netters iniskoran ng Thais, 3-1
MANILA, Philippines — Bigong malampasan ng Philippine national team ang hamon ng Thailand matapos magwagi si Wishaya Trongcharoenchaikul laban kay Jeson Patrombon, 6-4, 1-6, 7-5, para sa 3-1 bentahe sa 2018 Asia Oceania Zone Group II Davis Cup second round tie kahapon sa Philippine Columbian Association shell clay court sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Sobra ang ipinakitang lakas ng top seed na si Trongcharoenchaikul sa kanyang kabuuang 11 aces patungo sa malaking panalo upang iangat ang Thailand sa bentahe sa kanilang best-of-five tie.
Dahil sa kanilang panalo sa Pilipinas ay nakuha ng Thailand ang finals slot kontra sa mananalo sa Lebanon at Hong Kong na naglalaro pa habang isinusulat ito kung saan hawak ng mga Lebanese ang 2-0 bentahe.
Kaagad nagparamdam ang Thailand sa huling araw ng torneo sa pamamagitan ng panalo ng kambal na sina Sanchai at Sonchat Ratiwatana sa doubles match kontra kina Johnny Arcilla at Francis Casey Alcantara, 4-6, 7-6 (7-3), 6-1 para burahin ang 1-1 tabla sa singles matches sa unang araw noong Sabado.
“It was a tough win, it took us some time to adjust to the surface but when won the tiebreaker, we gained confidence in our shots and that was it,” sabi ni Sonchat Ratiwatana.
Ibinigay naman nang todo ng Philippine national team kaya lang ay mas higit pa ang inilaro ng kalaban.
“We fell short but I’m happy with our performance,” wika ni Alcantara.
“Those were still good matches. The boys played far better from what were expected of them,” ani national coach Chris Cuarto.
- Latest