Marcial bumuo ng 5-man committee na sasala sa mga trades
MANILA, Philippines — Tatlong polisiya kaagad ang inilatag ni Willie Marcial para sa kanyang pag-upo bilang Officer-In-Charge (OIC) ng Philippine Basketball Association.
Ito ay ang paghirang niya kay Eric Castro bilang technical director habang naka-leave si Rickie Santos, ang PBA deputy Commissioner for operations.
Si Castro ang mamamahala sa mga referees, table officials at stats team na dating trabaho ni Santos.
Bumuo rin si Marcial ng isang five-man committee na manggagaling sa PBA Commissioner's Office na siyang hihimay sa mga player trade proposals.
Sa mga nakaraang taon ay tanging ang PBA Commissioner lamang ang nag-aapruba o nagbabasura sa anumang trade proposals ng mga koponan.
Ang ikatlo ay ang pagpapatupad sa bagong corporate social responsibility (CSR) programs para sa mga players na nahihirapang bayaran ang malaking multa.
Ayon kay Marcial, positibo ang maibibigay ng nasabing CSR programs sa imahe ng mga players pati na sa PBA, tutukoy din ng Good Samaritan sa bawat laro nila tuwing Linggo.
Hinirang si Marcial, ang Communications and External Affair Director ng PBA, ng PBA Board bilang OIC simula noong Enero 1 habang naghahanap ng papalit sa nagbitiw na si Chito Narvasa.
Ilan sa mga naunang nabanggit na maaaring papalit kay Narvasa ay sina legal counsels Ariel Magno at Rebo Saguisag.
- Latest