Haddadi balakid sa landas ng Gilas
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Iranian star behemoth Hamed Haddadi na maglalaro siya sa darating na 2017 FIBA Asia Cup sa Lebanon.
Bagama't hindi nakasama sa kanilang training camp at tune-up games ay isinama naman ang pangalan ni Haddadi sa isinumiteng 12-man roster ng Iran para sa Asian joust na magsisimula sa Martes sa Nouhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon.
Si Haddadi ay isa sa mga big stars na panonoorin sa torneo bukod pa kina Lebanon sensation Fadi El-Khatib, Chineses Guo Ailun, Korean gunners Ung Heo at Lee Junghyun, Chinese Taipei long-serving center Chih-wei Lin, Syrian scoring machine Michael Madanly at mga kamador ng mga bagitong Australia at New Zealand.
Wala naman sa line-up ng Iran sina longtime stars Samad Nikhah Bahrami at Mahdi Kamrani, Chinese Taipei naturalized player Quincy Davis at Japan center Joji Takeuchi.
Parehong may injury sina Davis at Takeuchi, habang sina Bahrami at Kamrani ay nagretiro na sa Iranian national team.
Sina Arsalan Kazemi, Mohammad Jamshidi, Rouzveh Arghavan, Oshin Sahakian, Behnam Yakhchali at Sajjad Mashayekhi ang iba pang holdovers mula sa Iranian team na inalisan ng korona sa Changsha noong 2015.
Ang mga newcomers ay sina Farid Aslani, Keyvan Reaei, Vahid Dalirzahan, Navid Rezaeifar at Seyed Niktash.
Sina Reaei at Rezaeifar ay nagmula sa Iranian Team B na kumampanya sa nakaraang Jones Cup sa Taipei.
Gagabayan ni coach Mehran Hatami ang mga Iranians, ang three-time FIBA Asia champions na huling naghari sa torneo sa Manila noong 2013.
- Latest