Reyes ‘di makakahiram ng PBA stars
MANILA, Philippines - Sa kanilang pagpuntirya sa tiket sa nalalapit na SEABA Championship ay walang katiyakan ang Gilas Pilipinas kung mahihiram ang ilang PBA stars para sa Asian World Cup qualifier na siyang daan patungo sa 2019 World Cup sa China.
Kapwa sinabi nina Alfrancis Chua ng Barangay Ginebra at Dickie Bachmann ng Alaska, miyembro ng PBA Board, na walang kasunduan ang liga at Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa pagpapahiram ng kanilang players sa Gilas matapos ang SEABA event na nakatakda sa May 12-18 sa Smart Araneta Coliseum.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PBA Commissioner Chito Narvasa na ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng pro league at ng national cage body ay “a work in progress.”
Dahil dito ay nahaharap ang Gilas Pilipinas sa matinding pagsubok para sa pagbuo ng national pool na isasabak sa mga window periods na inihayag na ng FIBA.
Sakaling magkampeon sa SEABA ay makakasama ng Gilas sa grupo ang Australia, Japan at Chinese Taipei sa first round ng Asian WC qualifying tourney.
Unang makakaharap ng Gilas ang Japan sa Nov. 24 kasunod ang Chinese Taipei sa Nov. 27, ang Australia sa Feb. 22, ang Japan sa Feb. 25, ang Taipei sa June 29 at ang Australia sa July 2.
Ngunit nakatakda naman ang PBA All-Filipino tourney sa unang dalawang windows ng FIBA event at ang kanilang third conference ay idaraos sa Hunyo at Hulyo na siyang window period ng FIBA.
Iginiit naman nina Chua at Bachmann na hindi sila sinabihan tungkol sa mga lalahukan ng Gilas matapos ang SEABA.
Ang mga ito ay ang Jones Cup sa July at ang FIBA Asia Cup at SEA Games sa August.
Ang mga players na may kontrata sa Gilas ay sina PBA rookies Mac Belo, Matthew Wright, RR Pogoy, Jio Jalalon, Kevin Ferrer, Ed Daquiaog, Mike Tolomia, Carl Bryan Cruz, Arnold Van Opstal, Russell Escoto, Von Pessumal at Alfonso Gotladera pati na si PBA free agent Almond Vosotros.
Ang problema naman ng Gilas ay ang libreng oras nina PBA stars June Mar Fajardo, Calvin Abueva, Terrence Romeo at Japeth Aguilar.
- Latest