GlobalPort ipaparada ang bagong import vs Meralco
MANILA, Philippines - Sa mahina nilang 2-6 record at pagpapahiram kay scoring guard Terrence Romeo sa Gilas Pilipinas para sa SEABA Championships ay minabuti ng GlobalPort na kumuha ng isang NBA veteran sa layuning makapasok sa quarterfinal round.
Ipaparada ng Batang Pier si import Justin Harper sa kanilang pagharap sa Meralco Bolts ngayong alas-4:15 ng hapon sa 2017 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang 6-foot-10 at 225-pounder na si Harper, pumalit kay Malcolm White, ay naglaro sa NBA para sa Orlando Magic, Detroit Pistons at kamakailan ay sa Philadelphia 76ers noong Marso sa isang 10-day contract.
Ang 27-anyos na si Harper ay isang two-time NBA D-League All-Star mula sa Los Angeles D-Fenders.
Inaasahan siyang dumating kahapon para makasukatan si Meralco import Alex Stepheson, nagposte ng mga averages na 21.8 rebounds at 17.6 ponts per game.
“The game versus GlobalPort will be difficult to gauge because they have new local players and a new import,” wika ni Bolts’ mentor Norman Black, isang one-time PBA Grand Slam champion, sa Batang Pier. “We will just go out and play hard and try to pick up a win.”
Itatampok din ng GlobalPort ang mga bagong hugot sa trade na sina Sean Anthony, Bradwyn Guinto at Jonathan Grey.
Muling makakatuwang ni Stepheson para sa Meralco, nahugot din si Garvo Lanete mula sa NLEX, sina 2016 PBA Rookie of the Year Chris Newsome, Baser Amer at Jared Dillinger.
Sa ikalawang laro sa alas-7 ng gabi ay ibabandera naman ng Star ang dati nilang import na si Ricardo Ratliffe para palitan si Tony Mitchell sa kanilang pagsagupa sa TNT Katropa.
Si Ratliffe ay naging import ng Hotshots noong nakaraang PBA Commissioner’s Cup kung saan sila sinibak ng San Miguel Beermen sa quarterfinals.
- Latest