Lady Warriors pinigil ang Perlas Spikers sa PVL
MANILA, Philippines - Nahablot ng Pocari Sweat ang ikalawang sunod na panalo nang payukuin ang Perlas, 25-19, 25-19, 25-18 kagabi sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina Elaine Kasilag, Jeanette Panaga at Myla Pablo para dalhin ang Lady Warriors sa 2-2 rekord at makabalik sa kontensiyon matapos matalo sa Power Smashers at BaliPure Water Defenders sa kanilang unang dalawang asignatura.
“I guess they’re complementing with each other’s game now. But I want everybody to chip in since that’s what the team needs,” pahayag ni Pocari coach Rommel Abella.
Humataw si Pablo ng 13 puntos kabilang ang 11 attack points - bahagyang mas mababa kumpara sa kanyang 18 attacks, tatlong aces at dalawang blocks laban sa Air Force Jet Spikers noong Sabado.
Subalit hindi naman ito nakaapekto sa koponan dahil na rin kina Kasilag at Panaga na parehong may 12 puntos samantalang nagdagdag naman si Maricar Nepomuceno ng 10 markers para sa Lady Warriors.
Nanguna naman sa hanay ng Perlas si skipper Dzi Gervacio na may walong puntos.
Nahulog sa parehong 2-2 baraha ang Lady Spikers.
Hindi pa rin nakapaglaro ang mga foreign imports dahil hindi pa rin dumarating ang kanilang International Transfer Certificate.
Sa Spikers’ Turf, mabilis na nakabangon ang Cignal sa masamang panimula upang itakas ang 23-25, 25-19, 25-6, 25-23 panalo laban sa Café Lupe.
Sumulong sa 2-0 ang HD Spikers para samahan sa unahan ng standings ang Sta. Elena at Philippine Army na may parehong 2-0 baraha.
Dinomina ng HD Spikers ang attack line bitbit ang 60 spikes laban sa 34 lamang ng Sunrisers.
Limang manlalaro ng Cignal ang kumunekta ng double digits sa pangunguna ni Lorenzo Capate na may 16 puntos.
Ito ang ikatlong sunod na kabiguan ng Café Lupe na umani ng pinagsamang 25 puntos mula kina Jahir Ebrahim at Joshua Barrica.
- Latest